Lunes, Setyembre 27, 2021

Aralin 1: Katuturan, Layunin at Kahalagahan ng Pagsulat


.

Baitang                      :  12                                          Markahan : Una

Panahong Igugugol  :  Unang  Linggo                    

 






Subukin


Panuto: PAGKILALA SA PAHAYAG :Suriin kung TAMA o MALI ang pahayag tungkol sa paksa

 

________1.Isang benepisyong makukuha sa pagsusulat ang magdudulot  ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng pagkakataong makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan.

 

________2. Ito ang layunin sa pagsasagawa  ng pagsulat na  maaaring  panlipunan  o sosyal  kung saan ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling pananaw,karanasan,naiisip o nadarama ng manunulat.

 

________3. Ang isang indibidwal na gumagawa nito ay  kumukuha o nagdaragdag ng mga kaalaman sa kanyang isipan.mula sa  kasanayang pagsusulat.

 

________4. Maaaring magkasabay na maisagawa ang layuning personal at panlipunan partikular sa mga akdang pampanitikang naisulat  at  binibigkas na  bunga ng sariling pananaw ng may-akda sa pamamgitan ng pagtatalumpati.

 

________5. Ang pagsusulat  ay isang pambihirang gawaing pisikal at mental dahil  sa pamamagitan nito ay naipapahayag ng tao ang nais niyang ipahayag sa pamamagitan ng paglilipat ng kaalaman sa papel o anumang kagamitang maaaring pagsulatan.  

'


Ang pagsusulat  ay  isa sa mga  makrong kasanayang dapat mahubog sa mga mag-aaral. Ayon kay Cecilia Austera et al. (2009), may-akda ng Komunikasyon sa Akademikong  Filipino (2009)  ang pagsusulat ay isang kasanayang naglulundo ng kaisipan at damdaming nais ipahayag ng tao gamit ang pinakaepektibong midyum ng paghahatid ng mensahe, ang wika. Ayon naman kay Edwin Mabilin et al. sa aklat na Transpormatibong Komunikasyon sa Akademikong Filipino (2012), ito ay isang pambihirang gawaing pisikal at mental dahil  sa pamamagitan nito ay naipapahayag ng tao ang nais niyang ipahayag sa pamamagitan ng paglilipat ng kaalaman sa papel o anumang kagamitang maaaring pagsulatan.  Sa pamamagitan ng pagsusulat, maisatitik ang nilalaman ng isipan, damdamin , paniniwala , at layunin ng tao sa tulong ng mga salita ,ayos ng pangungusap sa mga talata hanggang sa mabuo ang isang akda o sulatin.


 May iba’t ibang dahilan ang tao sa pagsusulat. Para sa iba ,ito ay nagsisilbing libangan sapagkat sa pamamagitan nito ay naibabahagi nila sa iba ang kanilang mga ideya at kaisipan sa paraang kawili-wili o kasiya-siya para sa kanila. Anuman ang dahilan ng pagsusulat , ito ay nagdudulot ng malaking tulong  sa  nagsusulat,sa mga taong nakabasa nito,at maging sa lipunan sa pangkalahatan sapagkat ang kanilang mga sinulat ay magiging dokumento ng nakalipas na pangyayari o panahon na magsisilbing tulay para sa kabatiran ng susunod na henerasyon.Ayon kay Mabilin (2012) ang pagsusulat ay isang pagpapahayag ng kaalamang kailanman ay   hindi naglalaho sa isipan ng mga bumasa at babasa sapagkat ito ay maaaring magpasalin-salin sa bawat panahon.Maaaring mawala ang alaala ng sumulat  ngunit ang kaalamang kanyang ibinahagi ay manatiling kaalaman.


Kaya naman,sa limang makrong kasanayang pangwika , ang pagsusulat ay isa rin sa mga dapat pagtuunan ng pansin na malinang at mahubog sa mga mag-aaral sapagkat dito masusukat  ang kanilang kahandaan at kagalingan sa iba’t ibang disiplina. Sa mga makrong kasanayang tulad ng pakikinig ,pagbabasa, panonood,madalas ang isang indibidwal na gumagawa nito ay kumukuha o nagdaragdag ng mga kaalaman sa kanyang isipan. Subalit sa pagsasalita at pagsusulat ang taong nagsagawa nito ay nagbabahagi ng kanyang mga kaisipan at nalalaman tungkol sa isang tiyak na paksa sa pamamagitan ng kanyang sinabi at isinulat.


Layunin at Kahalagahan ng Pagsulat 
Ayon kay Royo , na nasulat sa aklat ni Dr. Eriberto Astorga ,Jr. na Pagbasa ,    Pagsulat at Pananaliksik (2001), malaki ang naitutulong ng pagsulat sa paghubog ng damdamin at isipan ng tao. Sa pamamagitan nito, naipahahayag niya ang kanyang damdamin, mithiin ,pangarap , agam-agam, bungang-isip at mga pagdaramdam. Dahil din sa pagsulat , nakikilala ng tao ang kanyang sarili,ang kanyang mga kahinaan at kalakasan, ang lawak at tayog  ng kanyang isipan ,at ang mga naaabot ng kanyang kamalayan. Ang pangunahing layunin ng pagsulat ay ang mapabatid sa mga tao o lipunan ang paniniwala, kaalaman at mga karanasan ng taong sumusulat. Kaya naman , napakahalaga na bukod sa mensaheng taglay ng akdang susulatin, kailangan ang katangiang mapanghikayat upang mapaniwala at makuha ang atensyon ng mga mambabasa. Mahalagang isaalang-alang ang layuning ito sapagkat masasayang ang mga isinulat kung hindi ito magdudulot ng kabatiran at pagbabago sa pananaw ,pag-iisip at damdamin ng makababasa nito. 

 

Ayon naman kay Mabilin ,sa kanyang aklat na Transpormatibong Komunikasyon sa Akademikong Filipino (2012), ang layunin sa pagsasagawa  ng pagsulat ay maaaring mahati sa dalawang bahagi.  Una ,ito ay maaaring personal o ekspresibo  kung saan ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling pananaw,karanasan,naiisip o nadarama ng manunulat.Ang ganitong paraan ng pagsulat ay maaaring magdulot sa bumabasa ng kasiyahan,kalungkutan , pagkatakot , o pagkainis depende sa layunin ng taong sumusulat. Ang karaniwang halimbawa nito  ay ang ginagawa ng mga manunulat ng sanaysay ,maikling kwento , tula , dula ,awit at iba pang akdang pampanitikan. Pangalawa, ito ay maaari namang maging  panlipunan o sosyal  kung saan ang layunin ng pagsulat ay ang makipag-ugnayan sa ibang tao o sa lipunang  ginagalawan. Ang ibang tawag sa layuning ito ng pagsusulat ay transaksiyonal. Ang mga halimbawa nito ay ang pagsulat ng liham ,balita, korespondensya , pananaliksik ,sulating panteknikal ,tesis, disertasyon at iba pa. Ginagawa ang mga sulating ito taglay ang isang tiyak na layunin at ito ay walang iba kundi ang layuning makipag-ugnayan sa tao o sa lipunan. Sa kabilang dako, maaari rin naming magkasabay na maisagawa ang layuning personal at panlipunan partikular sa mga akdang pampanitikang naisulat bunga ng sariilng pananaw ng may-akda na maaaring magkaroon ng tiyak na kaugnayan sa lipunantulad halimbawa ng talumpati na karaniwang binibigkas sa harap ng madla upang maghatid ng mensahe at manghikayat sa mga nakikinig.


    Sa pangkalahatan, narito ang kahalagahan o ang mga benepisyo na maaaring                 makuha sa pagsusulat.

  1. Masasanay ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa pamamagitan ng obhetibong paraan.
  2. Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa isinasagawang imbestigasyon o pananaliksik.
  3. Mahuhubog ang isipan ng mga mag-aaral sa mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng pagiging obhetibo sa paglalatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na impormasyon.
  4. Mahihikayat at mapauunlad ang kakayahan sa matalinong paggamit ng aklatan sa paghahanap ng mga materyales at mahahalagang datos na kakailanganin sa pagsulat.
  5. Magdudulot ito ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng pagkakataong makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan.
  6. Mahuhubog ang pagpapahalaga sa paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda ng kanilang pag-aaral at akademikong pagsisikap.
  7. Malilinang ang kasanayan sa pangangalap ng mga impormasyong mula sa iba’tibang batis ng kaalaman para sa akademikong pagsusulat.  


Suriin     

Panuto: PAGSAGOT SA KATANUNGAN: Batay sa nabasa at napag-aralang  katuturan,layunin at kahalagahan ng pagsulat. Sagutin ang mga katanungan  sa tulong ng wastong  paggamit  ng wika.

1.Ano ang kahulugan ng pagsusulat batay sa iyong binasa?

___________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.

2. Sa mga makrong kasanayang pangwika, alin dito ang kailangang linangin at hubuging lubos ? Bakit?

___________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.

3. Ano-ano ang mga bagay na dapat taglayin sa akdang susulatin?

________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.

4. Anong akdang pampanitikan ang maaaring magkasamang  maisagawa ang layuning personal at panlipunan?  Bakit?

_____________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.

5. Naniniwala ka bang dapat ngang kunin ng lahat ng kurso ang asignaturang ito?  Ipaliwanag ang iyong sagot

____________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.


Pagyamanin  

 

Panuto: PAGTUKOY SA AKADEMIKONG SULATIN: Kilalanin ang mga halimbawa ng akademikong sulatin upang magkaroon nang mas malinaw na konsepto at kaalaman ukol dito. Piliin ang titik  ng tamang sagot sa kahon.

A.Panunuring Pampanitikan 

B.Bibliyogarapiya

C.Tesis

D.Artikulo

E.Konseptong papel

 

F.Pamanahong papel

G.Disertasyon

H.Pagsasaling-wika

I.Aklat

 J.Abstrak


 ___2. Panimulang pag-aaral o proposal, ito ay kabuuan ng ideyang nabuo mula sa isang balangkas o framework.
___3.Ito ay sulating may kinalaman sa pananaliksik at pagtuklas ng isang manunulat. Ginagawa ito ng isang indibidwal bilang pangangailangan sa kursong pinag-aaralan o propesiyonal na kwalipikasyon. Ito ay ginagamit na bahagi ng kursong Batsilyer at Masterado.
___4.Isang pormal na sulatin ukol sa isang paksa na ginagawa para sa titulong doktor.
___5. Pagsusuri ng isang panitikan sa mas malalim na ideyang nais ihatid ng manunulat.
___6. Mga pahayag, ideya, o ilang uri ng panitikang na sa isang wika ay ihahayag sa ibang anyo ng wika.
___7.Kalipunan ng mga kaalaman para sa kapaki-pakinabang paghahatid ng karunungan(Maaaring pahayagan, magasin, at iba pa).
___8. Ito ay sulating naghahatid ng iba’t ibang impormasyon na may kinalaman sa iba’t ibang paksa gaya ng mga nangyayari sa ating lipunan, kalusugan, isports, negosyo, at iba pa.
___9.Ang kasaysayan, pagkilala o paglalarawan ng mga nasulat o sulatin o pablikasyon. Kasama rin ang posisyong papel, sintesis, bionote, panukalang proyekto, talumpati, katitikan ng pulong, replektibong sanaysay, agenda, pictorial essay, lakbay-sanaysay at abstrak.
 ___10.Uri ng paglalagom na karaniwang ginagamit sa pagsulat ng mga akademikong                     papel tulad ng tesis, papel na siyentipiko  at teknikal ,lektyur, at mga report. 

Isaisip

 

Panuto:PAGHAHAMBING SA LAYUNIN NG PAGSULAT: Suriin  ang pagkakatulad  at pagkakaiba  ng  layunin ng pagsulat  (Personal at Sosyal ) ayon kay Mabilin (2012) sa pamamagitan ng venn diagram.                  




Isagawa

Panuto. PAGBUO NG ISLOGAN: Bumuo ng islogan na nakapagpapahayag ng paraan sa pagiging responsible.

Ang islogang “Think Before You Click “ ng isang kilalang estasyon ng telebisyon sa Pilipinas ay nagsusulong sa responsableng  pamamahayag partikular sa Facebook, Twitter, o iba pang social media.  Nagbibigay ito ng babala na anuman ang iyong ipahayag o i-post nang pasulat ay hindi na mababawi pa at magagamit na matibay na ebidensya laban sa iyo.

Bilang isang mag-aaral na nag-aaral ngayon ng Akademikong Pagsulat ay magbigay ka ng mga paraang magpapaalaala lalo na sa kapwa mo mag-aaral kung paano magiging  responsable at makapagbibigay ng inspirasyon sa ating mga isinusulat o i-pino-post sa ating mga social media account.




 Ailene  Baisa-Julian et.al Pinagyamang Pluma Filipino sa Piling Larangan           (Akademik )Phoenix Publishing  2016

Pamela C.Constantino et.el Filipino sa Piling Larangan (Akademik)Rex Book Store 2016 Edition

 

Dayag, Alma M., et al. Pinagyamang Pluma Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino  Quezon City, Phoenix Publishing House, Inc. 2016

 

Corazon L. Santos ,PhD et.al Filipino sa Piling Larang  (Akademik)Kagamitan ng Mag-aaral Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon Republika ng Pilipinas

 

 

DepEd CDO SHARED Options Learning Activities

 


 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Aralin 2: Gamit at Uri ng Pagsulat

  Baitang                       :   12                                           Markahan : Una Panahong Igugugol   :   Ikala...